Putho-Tuntungin naglunsad ng proyektong vegetable container gardening para sa 4Ps

ni Ricarda Villar

Namahagi ng mga binhi ng pipino, sitaw, at kalabasa sa kanilang barangay covered court ang Brgy. Putho-Tuntungin sa mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong ika-13 ng Setyembre.

Pinangunahan ni Kapitan Ronaldo Oñate at Konsehal Rhodora Lagman ang pamamahagi ng binhi ng gulay sa mga miyembro ng 4Ps sa kanilang baranga y. Isang linggo matapos ang pamamahagi ng binhi, bibisitahin ng barangay ang mga kabahayan upang masigurong patuloy na nakikibahagi sa proyekto ang mga miyembro ng 4Ps.

Ang pamamahagi ng binhi ng gulay ay panimula ng proyektong vegetable container gardening na pinangungunahan ni Kapitan Ronaldo Oñate at Konsehal Rhodora Lagman ng komite ng agrikultura ng Brgy. Putho-Tuntungin.

Ang mga binhing ipinamahagi ay mula sa PAMANA Center at sa Institute of Plant Breeding ng UP Los Baños. Paliwanag ni Konsehal Lagman, ang pamamahagi ng binhi or seed dispersal ay matagal at regular nang isinasagawa ng Brgy. Putho-Tuntungin upang matulungan ang mga residenteng magkaroon ng karagdagang mapagkukuhanan ng pagkain.

Ani Kapitan Oñate, ang proyektong vegetable container gardening ay nabuo matapos maobserbahan na walang mapagkuhanan ng supply ng gulay ang mga residente matapos masira ng Bagyong Glenda ang mga taniman ng gulay sa bahay-bahay. Sa vegetable container gardening, maitatago pansamantala ang mga pananim upang hindi ito maapektuhan ng sama ng panahon at maaring mailabas muli pagkalipas ng bagyo. Maliban dito, makakatulong ang vegetable container gardening na magkaroon ng regular na mapagkukunan ng pagkain ang kanilang mga kabarangay. Kasali sa proyekto ang lahat ng miyembro ng 4Ps sa Brgy. Putho-Tuntungin.

Para sa mga nais makipagtulungan sa proyektong vegetable container gardening sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga binhi o mga plastik na botelya o lalagyan (1, 1.5, at 2 litro), maaaring makipag-ugnayan sa Tanggapan ng Brgy. Putho-Tuntungin sa numerong (049) 536-4546.

LBFPWDs ipinagdiwang ang NDPR Week

Nina Jeanette Ilagan-Talag at Lenie Bonapos

Ipinagdiwang ng Los Baños Federation of Persons with Disabilities (LBFPWD), Inc. ang National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week na may temang “Talento at Paninindigan, Pasaporte sa Kaunlaran” mula ika-4 hanggang ika-8 ng Agosto.

Layunin ng isang linggong pagdiriwang na maipamalas ang kapasidad at kakayanan ng mga mamamayan ng Los Baños na may kapansanan sa pamamagitan ng iba’t-ibang gawain. Ito ay upang maipakita din na sila ay mahalagang parte ng lipunan at may pantay na karapatan. Gayundin, ang gawain ay upang maitaas ang morale ng mga may kapansanan.

Ilan sa isinagawang aktibidades bilang paggunita sa NDPR week ang mga sumusunod:

  • Agosto 4 – Talakayan kasama si Arthur Letim (Region IV-A Head AKAP PINOY) tungkol sa ugnayan ng mga may kapansanan, mga kapitan ng barangay at ng iba’t-ibang social service committees gayundin ang tungkol sa tamang paggamit ng Internal Revenue Allotment.
  • Agosto 5 – Pagdadala sa mga amputee patients sa University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center kung saan pito sa mga pasyente ang nasukatan para sa kanilang prosthetics.
  • Agosto 6 – Pagdaraos ng “Talentadong PWDs” kung saan nagpamalas ng angking talento ng mga may kapansanan sa larangan ng pagkanta at pagsayaw.
  • Agosto 8 – Pagdaraos ng Sports fest kung saan iba’t-ibang palaro ang sinalihan gaya ng wheelchair race, marathon at swimming.

Ang pagsasagawa ng livelihood training partikular sa paggawa ng antibacterial soap na dapat ay isinagawa noong Agosto 7 ay nalipat sa ika-30 ng Agosto, 2014.

Para sa impormasyon at katanungan patungkol sa LBFPWD, maaaring makipag-ugnayan kay Jeanette Ilagan-Talag, kasalukuyang pangulo, sa numeronga 0936-347-1973.  Maaari ding bumisita sa kanilang tanggapan sa PWD Office, Office of Senior Citizen Affairs (OSCA) na nasa lumang munisipyo ng Los Baños at hanapin si Lorelie Liwanag (0915-584-8844).

 

Nalalapit na ang Kasalang Bayan 2014!

SA MGA NAGNANAIS NA MAKASAL NANG LIBRE AT NAIS MAKIBAHAGI SA OKASYONG ITO, MANGYARI PO LAMANG NA MAKIPAG-UGNAYAN SA OPISINA NG GENDER AND DEVELOPMENT OFFICE (GAD) sa 2nd floor New Municipal Building, o tumawag sa (049) 530 2818 local 202 o mag-text kina Bb. Nannet 09993936707 at Bb. Arline 09263619271 bago mag Septembre 30, 2014.Ang proyektong ito ay bahagi ng Kautusan Blg. 2013-2140 na nagtatakda ng pagsasagawa ng Kasalang Bayan tuwing buwan ng Disyembre at Pebrero ng kada taon. Ito ay pinagtibay noong Hulyo 29, 2013.

ANONG MGA SERTIPIKO AT SERBISYONG WALANG BABAYARAN?

1) Application fee (P250)
2) Marriage License fee (P150)
3) Solemnization fee (P100)
4) Family planning/counselling fee & certificate (P100)
5) Cenomar (P195)
6) Notarial fee
7) Service fee

ANO ANG MGA KAILANGAN PARA MAKASAMA SA KASALANG BAYAN?
1) Katunayan o sertipiko na walang kakayahang pinansiyal mula sa punong barangay kung saan nakatira at
2) Katunayan o sertipiko na walang kakayahang pinansiyal mula sa namumuno ng Lokal na Department of Social Welfare and Development (DSWD)

Serye ng job fair isasagawa

nila Kathleen Mae Idnani, Danielle Marie Torralba, at mga ulat mula kay Kimberly Salamatin

Ang Public Employment Service Office (PESO) ay magsasagawa ng serye ng job fair ngayong buwan. Ang unang job fair ay magaganap sa ika-7 ng Pebrero na magsisimula ng alas-otso ng umaga sa PESO Gabaldon Building sa Brgy. Timugan, Los Baños.

Ayon kay Gliceria Trinidad, PESO manager, darating ang Serbiz Multi-Purpose Cooperative (MPC) na siyang magsasagawa ng exam at interview sa mga makakapuntang aplikante. “On-the-spot, pwede na silang (aplikante) magkaroon ng trabaho,” dagdag ni Trinidad.

Ang nasabing kompanya ay nangangailangan ng mga aplikante para sa mga sumusunod na posisyon: production operator I, sales engineer, nurse, mechanical maintenance, quality assurance, production crew I at II. Ayon pa sa PESO, ang mga gustong maging aplikante ay kailangan lamang magdala ng bio-data at resume sa nasabing job fair.

Magkakaroon muli ng job fair sa ika-11 at ika-23 ng Pebrero na gaganapin din sa PESO Gabaldon Building ■

Para sa mga karagdagang impormasyon, maaaring bumisita sa PESO o kaya’y bumisita sa Facebook account ng SerbizMPC na www.facebook.com/serbizmpc.

Senatorial Candidates, Inilahad ang Kani-kaniyang Plano Para sa SUCs

nina Mary Aizel Dolom at Kezia Grace Jungco

Nakapanayam ng LB Times ang mga kandidato para senador na sina Antonio Trillanes IV, Greco Belgica, Rizalito David, Baldomero Falcone, Marwil Llasos, at Christian Seneres matapos ang programang “Ang Pagsusuri” noong Enero 31 sa D.L Umali Hall, UPLB. Sa pagkakataong ito ay ibinihagi ng mga kandidato ang kani-kaniyang mga plano at opiniyon ukol sa pagpapaunlad ng mga State Universities and Colleges (SUCs) sa bansa kung sakali mang sila ay mahalal bilang senador.Narito ang kanilang mga tugon sa tanong na: “Kung sakaling ikaw ay mahalal bilang senador, paano mo matutulungan ang mga State Universities and Colleges sa bansa?”

Greco Belgica:

“Palalawakin natin ang pondo na available para sa inyo. At hindi lamang po iyan, maglalabas po tayo ng voucher system para sa kahit na sinong estudyante na gustong mag-aral ay pwedeng kunin ang kaniyang voucher at tseke at dadalhin sa eskwelahan na gusto niya. SUC man o pribado, siya ang magde-decide.”

Follow up: Gaano kaya ka-feasible ang voucher system?

“Ginagawa na po iyan all over the world. Sa mga mauunlad na bansa at dito na rin po ay mga scholarships na ginagawa. It’s very simple. Ang pera na nilalagay mo sa PDAF, ilagay mo sa voucher system at ibigay sa mga estudyanteng gustong mag-aral. Mag-apply ka lang. Estudyante ka, gusto mo mag-aral, kunin mo ang voucher at dalhin mo sa eskwelahan.”

Rizalito David:

“Ang sa akin talaga, patatagin muna ang mga existing state colleges and universities, punuan ng badyet. May mga ibang activities pa tayo na pwedeng gawin katulad ng pagbibigay ng mga land grants tulad doon sa mga ibang mga state colleges and universities para ma-augment ang kanilang income. Huwag munang magpatayo ng mga bago, bagkus ay palakihin ‘yung subsidy sa mga private education para hindi na tayo mag-create ng mga administrative mayors pa uli na su-swelduhan ng panibago. Kakainin na naman ‘yung para sa estudyante, napupunta sa administration. Bigyan ng malaking subsidy ang private education ‘yung SUCs , patatagin at dagdagan ng pondo.”

Marwil Llasos:

“Una sa lahat, palalakasin natin ‘yung state universities and colleges, dadagdagan natin ‘yung pondo imbes na bawasan at tutulan natin ‘yung tuition fee increase. Sapagkat kung meron namang pondo na papasok, halimbawa, ay hindi na kailangang magdagdag pa ng tuition sa ating mga state universities and colleges. Papatatatagin natin ‘yung faculty. Dapat magkaroon ng faculty development programs, ‘yung competencies nila i-upgrade para hindi napa-pirate ng private sector. Higit sa lahat, bakit hindi natin gamiting catalyst for economic transformation ang state universities and colleges system? Kagaya sa Visayas State University, agriculture sila kagaya ng UPLB. Dapat turuan ‘yung ating mga magsasaka ng mga makabagong pamamaraan ng agrikultura para mapagyaman ‘yung ating agricultural sector. ‘Yung fisheries naman, turuan ‘yung mga mangingisda ng tamang pangingisda na environment friendly.”

Antonio Trillanes IV:

“They can expect full support. Ipagpapatuloy natin ang scholarship programs, ang binibigay nating mga professorial chairs at kung ano man na pieces of legislation ng kailangan ng SUCs, I’ll be there. Being co-author ng UP Charter and being a product of the UP system, I’ll be there to help in whatever way I can.”

Follow-up: Bilang tutol po kayo sa K-12, ano kaya sa palagay niyo ang magandang alternatibo dito?

“Ang alternative natin ay provide muna natin ang mga kulang: shortages sa classroom, teachers, books, chairs and tables tapos increase ng salary ng teachers. By then we would have provided a classroom environment that is conducive to learning. So ‘yun ang gawin natin kasi ‘yung mga product ng 10 years education program are, I believe, as competent with the global counterpart and I believe even magdagdag ng 2 years ‘yung mga high school students in the future, they can never be better than what they produced before. So ‘yun ang aking paniniwala.”

Baldomero Falcone:

“We’ll ask the government to provide capital and to provide a few weeks to teach them securitization. Kasi ang securitization makes us not dependent on the era. Because it  accesses global banks from all over the world so that lalong madevelop yung mga natural resources natin. We’re only growing at 7.1 at the best per year. Pero kung mag-securitize tayo, probably 15 or even 20. Every Filipino hands wifll have their hands full in developing natural resources of the country from coconut, to bamboo, to sugar cane.

Ang dami nating magagawa sa natural resources natin. Of course, securitization plays an important role there. Kasi hindi sya dependent sa credit facilities of the bank and control of oligarch families. Ang securitization, di sya dependent on deposit liabilities of savings. It Depends on the trust funds which come from pension funds, high net worth individuals, SSS, GSIS and the like. Yun ang iaaccess mo through securitization. Plus, of course, big moneys coming from abroad who are interested in developing our natural resources . Kaya i’m really pushing for securitization as a great contribution by the studentry once learn that. Sobrang konti pa lang kasi ang may alam nyan (securitization) ngayon. Kaya kailangang ituro yan para na rin mapabilis ang economic advancement ng bansa.”

Christian Seneres:

“Isa po ako sa mga nagbalangakas ng UP Charter noong 2008 and that was during my second term. Sa palagay ko, ang pinakamatutulong ng mga mambabatas ngayon ay scholarship. Alam niyo ba,congressman nga lang milyones and scholarship fund na pwedeng ipamigay sa students of SUCs? During my time as congressman, lahat ‘yun nilaan ko sa mga estudyante ng UP Diliman. So sa senador di ko alam kung magkano ‘yun pero discretionary ‘yun on the part of a law maker. Basta estudyante ng SUCs, especially UP Diliman, ‘yun ang pinakamalapit, lahat ‘yun binigay ko. Diba maraming issues ngayon about tuition. Hindi nga dapat budget cut, dapat nga i-increase pa lalo. Before, we were the envy. The UP System was the envy of the entire Asia. So ngayon ano? Sa ranking ngayon, umaabot pa ba ngayon sa top 40?Hindi ko na alam eh. Sinasabi sa Saligang Batas na ang pinakamalaking budget dapat ay sa education. ‘Yun pa ang isa nating ipaglalaban.”

Mga paaralan sa Siniloan, Laguna lubog pa rin sa baha

ni Earl Gio N. Manuel

Tatlong linggo matapos salantahin ng hanging habagat na sinundan ng bagyong Helen ang maraming lugar sa Luzon, bakas pa rin ang iniwan nitong pinsala sa mga paaralan sa bayan ng Siniloan sa Laguna. Ayon sa ulat ng PAGASA, nakapagtala ng halos 472 mm ng tubig ulan ang Habagat sa loob lamang 22 oras na mas mataas kumpara sa bagyong Ondoy noong 2009.

Tinatayang dalawang linggo pa ang itatagal ng baha bago ito humupa sa mga paaralan.

Kabilang ang Siniloan Elementary School (SES), Siniloan Technical and Vocational National High School (STVNHS) at ang Laguna State Polytechnic University (LSPU) sa mga lugar na hanggang ngayon ay lubog pa rin sa baha. Kasama sa mga lugar sa Siniloan na mayroon pa ring baha ay ang mga barangay ng Acevida, Halayhayin, at ang J. Rizal Wawa.

Sa halagang dalawang piso (P2), nakakapunta ang mga estudyante ng LSPU sa kanilang mga silid aralan sa pamamagitan ng bangka.

Ayon sa kapitan ng J. Rizal Wawa na si Brgy. Chairman Epong Em, ang matagal na paghupa ng baha ay nang dahil sa pag-apaw ng ilog Putol at dahil na rin sa pagpapakalawa ng tubig  galing sa lawa ng Caliraya sa bayan ng Kalayaan noong ika-8 ng Agosto.

Patuloy pa ring pumapasok ang mga estudyante sa kabila ng di pa humuhupang baha.

Ayon pa sa kaniya,  maaaring tumagal pa ng dalawang linggo bago humupa ang baha. “Nagkaroon na rin ng matagalang pagbaha sa mga paaralan dito sa Wawa noong bagyong Ondoy at tumagal ito ng isang buwan,” dagdag pa ni Kap. Em.

Sa kasalukuyan, lubhang naapektuhan ang pag-aaral ng mga estudyante sa nabanggit na mga paaralan dahil sa hanggang binting tubig baha na dulot ng pangatlong linggong di paghupa ng baha.

Sa LSPU, halos lahat ng mga klase ay ginawa na lamang “half-day” at nagkaroon na rin ng pasok tuwing araw ng Sabado dahil ang ginagamit na mga silid-aralan ay nasa second at third floor na lamang. Dahil sa tubig baha, napipilitang sumakay ang mga kolehiyo na sumakay ng bangka sa halagang dalawang piso.

Ayon kay Mirra Jane Principe, isang sophomore BS Psychology sa LSPU, nagiging mahirap ang paraan ng pagpasok dahil sa baha ngunit marami pa ring estudyante ang pumapasok at patuloy na nag-aaral sa kabila ng kanilang sitwasyon.

Samanatala, sa STVNHS naman ay nabago ang araw ng pagpasok kung saan tatlong araw na lamang ang kailangang  ipasok ng mga estudyante, ang nasa una at ikalawang antas ay tuwing araw ng Lunes hanggang Miyerkules samantalang tuwing Huwebes at Sabado naman ang nasa ikatlo at ikaapat na antas.

Sa kabilang dako, ginawa namang evacuation center ang ilan sa mga silid aralan ng SES at ang mga estudyante ay pumapasok na lamang ng kalahating araw.

Sa pamamagitan ng pinagkabit-kabit na mga kahoy, nagsisilbi na itong mga tulay sa mga paaralan ng LSPU, STVNHS at SES upang makatawid patungo sa lugar na nais puntahan ng estudyante.

Kasalukuyan namang nasa evacuation center sa SES ang mga residente ng mga apektadong baranggay.

Ayon kay Trisha Anareta, isang residente ng Brgy. Acevida, mas mabuti ay mas maging handa sila sa susunod upang mas maiwasan ang pinsalang dulot ng mga susunod pang mga sakuna.