Feeding program, isinagawa ng LB Group at iba pang volunteers

ni Earl Gio N. Manuel

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon na may temang “Pagkain ng Gulay ay ugaliin. Araw-araw itong ihain”, nagdaos ng isang feeding program sa pangunguna ng Los Baños Group kabalikat ang kanilang mga volunteers na kinabibilangan ng Rotary International-Makiling District, UP Sigma Alpha Nu Sorority, Singles for Christ Los Baños Chapter, at mga Barangay Nutrition Scholars noong nakaraang Hulyo 14 sa Municipal Covered Court.

Katulong ang magulang ng mga bata, deworming o pagpupurga ang unang isinagawa ng mga volunteers.

Ang naturang programa ay pinamagatang “Los Baños Group Feed A Child Program” na may layuning bigyan ng masusustansyang pagkain  ang mga bata sa iba’t ibang barangay ng Los Baños.

Dinaluhan ng 123 na mga bata kabilang ang kanilang mga nanay na nagmula sa sampung barangay kabilang ang Tadlac, Timugan, Lalakay, Maahas, Bambang, Malinta, Putho-Tuntungin, Batong Malake, Baybayin, at  Anos ang feeding program.

Sinimulan ang pagpapakain sa mga bata sa pamamagitan ng isang mga kwentong pambata na pinagunahan ng mga miyembro ng UP Sigma Alpha Nu Sorority na sinundan ng pagpupurga sa mga bata. Matapos nito, isinagawa na ang pagbibigay ng mga pagkain tulad ng lugaw, manok, gatas, tinapay, at juice sa mga batang dumalo sa feeding program.

Ayon kay Mary Jane Corcuera, and Program and Development Chairman ng Los Baños Group, nagsimula ang kanilang samahan na binubuo ng mga mamamayan ng Los Baños noong Agosto 26 lamang ng nakaraang taon. Layunin ng samahang ito na magbigay serbisyo sa kanilang mga kababayan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga programang may kinalaman sa nutrisyon at kalusugan.

Ang mga LB Group volunteers habang inihahanda ang mga pagkaing ipapamahagi sa mga bata.

Bagaman wala pang isang taon ang kanilang samahan, nakapagsagawa na sila ng mga programa tulad ng Linis Lawa at isa pang feeding program na ginanap noong nakaraang Mayo 26.

“Parte lamang ang feeding program na ito ang aming layuning masubaybayan ang kalusugan ng mga malnourished na bata sa Los Baños dahil magsasagawa kami ng six month feeding program upang mas matugunan namin ang pangkalusugang pangangailangan ng mga bata”, dagdag pa ni Corcuera.

Ayon naman kay Municipal Nutrition Action Officer na si Maria Cerezo, “Maganda at masustansya ang kanilang programa na makakatulong sa nutrisyon ng mga bata kahit isang araw lamang ito.

Masayang pinapakain ng isang ina at kaniyang anak ng pagkain ibinahagi ng LB Group at ng iba pang volunteers.

Sa kabilang dako, nagpahayg din ng opinyon ang isang nanay na nakiisa sa nasabing programa at ayon sa kaniya,”Nagkaroon kami ng ideya para magkaroon ng mabuting kalusugan ang aming mga anak at kung ano ang tamang ipakain sa kanila”, ani Rowena Pamulaklakin, isang maybahay mula sa Brgy. Maahas.

Nagtapos ang programa sa pamamagitan ng pagbibigay ng UP Sigma Alpha NU ng mga sertipiko sa mga Barangay Nutrition Scholars ng mga barangay na dumalo.

Kaugnay nito, magkakaroon din ng iba’t iba pang programa na may kinalaman sa buwan ng nutrisyon tulad ng paligsahan para sa pagluluto, paggawa ng jingle, at sa hardin ng komunidad sa iba’t ibang barangay ng Los Baños.

Ladies of Charity Organization, nagsagawa ng feeding program sa Brgy. Maitim

ni Roxanne D. Cruz

BAY, LAGUNA – Muling naglunsad ng feeding program sa Brgy. Maitim, Bay, Laguna sa pamumuno ng Diosis of San Pablo, ang tumatayong punong simbahan ng lalawigan ng Laguna, at ng mga myembro ng Ladies of Charity Organization mula sa St. Augustine Parish Church, nitong nakaraang Huwebes, ika-15 ng Marso.

Munggo at dilis. Ganadong tinatangkilik ni “Jun-jun” ang inihain sa kanyang munggo at dilis na putahe para sa araw na iyon.

“Ang bawat sentimo ay maaring makatulong upang punan ang mga kumakalam na sikmura ng mga kabataang kapos sa pagkain.”Ito ang paunang salita ni Gng. Delaila “Aida” Salazar, ang punong tagapamahala ng Ladies of Charity Organization. Ito ay dahil ang pondong ginagamit para sa feeding program ay nanggagaling sa bawat sentimong napupulot at iniipon ng mga miyembro ng Diosis of San Pablo na hinahati-hati sa bawat purok ng baranggay. Ito ang tinatawag na “Pinoy Fun”. Ang pondong ito ang nag-iisang pinagkukunan ng lahat ng pangangailangan ng organisasyon para sa kanilag programa.

Ipinakita ng mga volunteers na nanay ang kanilang pagtutulungan upang makapaghain ng masarap at masustansyang tanghalian para sa kanilang mga anak.

Isang daan at dalawampu’t siyam (129)—ito ang bilang ng mga batang pinapakain nina Gng. Salazar, araw-araw mula Lunes hanggang Biyernes. Sila ay may edad mula tatlo hanggang labindalawang taong gulang. Sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay g mga boluntaryong miyembro ng organisasyon, kinilala nila ng mas lubusan ang mga pamilya sa baranggay. Ang bawat bata mula sa bawat tahanan ay sinukatan ng timbang at taas. Gamit ang kanilang batayan ng kalusugan, natukoy ng organisasyon ang mga kabataan nangangailangan ng karagdagang suporta sa pagkain. Matapos piliin ay ipinakita nila ang talaan ng mga batang may kategoryang “malnourished” sa Nutrition Department ng Diosis of San Pabl upang maisama ang mga ito sa listahan ng mga batang kasali sa feeding program na tatagal ng anim na buwan. Ito ay nagsimula noong ika-5 ng Marso at inaasahang magiging epektibo hanggang sa katapusan ng Agosto. Isinasgawa ang feeding program tuwing ika-3 ng hapon.

“Sinisigurado namin na masustansiya at magugustuhan ng mga bata ang bawat putaheng ihahain namin,” ani Gng. Melanie Opulencia, ang tumatayong sekretarya at PRO ng organisasyon. Binibigyan ng pagkakataon ang mga bata na pumili ng kanilang gustong ulam upang masigurado na hindi masasayang ang mga ito. Ang kanin naman na ginagamit sa programa ay ang tinatawag na “Fortified Rice with Soy Protein” kung saan ang bigas ay hinahaluan ng mga butil na may bitamina. “Mahirap kasing pakainin ang mga bata pagkatapos tsaka paiinumin ng Vitamins, kaya inihahalo na lang namin sa bigas, para hindi nila mapansin,” paliwanag ni Gng. Salazar. Sa bawat araw ay nakakagamit sila ng dalawampu’t isang pakete ng bigas na ay bitamina upang masiguradong hindi kukuangin ang pagkain ng bawat isa sa isang daan at dalawampu’t siyam na bata.

Layunin ng Diosis of San Pablo at Ladies of Charity Organization na mas mapabuti ang lagay ng kalusugan ng bawat bata sa buong baranggay. “Maraming feeding program na ginagawa dito sa baranggay, kaso kulang pa rin,” ani Gng. Opulencia.

Nais din ang organisasyon na maturuan ang mga magulang ng mga bata kung paano gagawing mas masustansiya at kaaya-aya sa mata ng kanilang mga anak ang kanilang mga lutuin. Bukas din ang kanilang programa sa mga konsultasyon ukol sa kalusugan. Malaking tulong rin ang programa upang paigtingin ang pagtutulungan sa mga magulang sapagkat sila ang lagging nagluluto ng mga mga pagkaing inihahain sa bawat araw.

“Maganda yung magiging epekto nitong feeding program na ito lalo na sa mga malnourished na bata sa baranggay,” dagdag pa ni Gng. Divina Castro, ang Baranggay Nutrition Scholar (BNS) ng baranggay.

Upang masigurado ang magandang epekto ng feeding program, araw-araw na nagtatala ng attendance ang sekretarya. “Para alam namin kung bakit hindi nagbago yung timbang, halimbawa, kapag nakalista dito tapos hindi naman pumupunta, ibig sabihin, hindi kami yung may pagkukulang,” ani Gng. Salazar. Sinabi nya rin na sinusubukan naman nilang kausapin ang mga batang hindi pumupunta sa programa at pinapaliwanag sa mga ito kung bakit kailangan nilang pumunta. “Minsan kasi, tinatamad na lang pumunta, kaya yun, hindi na lang kumakain.”

Sa tuwing matatapos ang buwan, itatala ng sekretarya ang mga obserbasyon at pagbabago sa kalusugan ng mga bata. Ang mga record na ito ay dadalhin at ipapakita sa Diosis of San Pablo upang makita kung epektibo ba o hindi ang programa. Positibo naman ang pananaw ng mga organizers ukol dito. “Inaasahan naming na magiging successful itong aming programa,” ani Gng. Opulencia.

Bagama’t maayos ang pagkaka-organisa ng programa, at mayroong pagtutulungan sa mga miyembro nito, hindi maiiwasan ang mga suliranin lalong lalo na ukol sa pondo. “Hindi naman kasi sapat ang P645.00 para punan ang kumakalam na sikmura ng 129 na bata, insane kasama pa yung mga kapatid nila. Hindi naman pwedeng hindi namin sila pakainin,”paliwanag ni Gng. Salazar.

Sa pondong ito, maaring sabihing ang bawat bata ay mayroon lamang pagkain na katumbas ng P5.00, na maituturing na kulang na kulang parin upang masiguradong malusog ang mga bata. Kaya naman may mga pagkakataon na nanggagaling na mismo sa bulsa ng mga miyembro ng organisasyon ang dagdag na pondong kailangan nila para sa programa. Gayunpaman, sinusubukan naman ng mga namumuno sa baranggay na tugunan ang pangangailangan ng organisasyon.

P1 na taas pasahe sa tricycle, ipapatupad ng Bay

ni Brando Bernard Bucks

Sa pagpupulong na ginanap noong Marso 19, 2012, Lunes, sa session hall ng bayan ng Bay, napagpasyahan ng Sangguniang Bayan (SB) na pahintulutan ang pagtataas ng pasahe para sa tricycle.

Pangunahing maapektuhan sa pagtataas ng pamasahe sa tricycle ay ang mga mag-aaral. Ipinapayo na lagi nilang dalhin ang kanilang school ID upang makakuha ng diskwento sa pasahe kahit tuwing Sabado o Linggo at mayroon silang gawaing pampaaralan.

Ayon kay Konsehal Emerson Ilagan, chairman ng Transportation and Communication Committee, may dagdag nang piso ang dating mga taripa. Ang magiging minimum na pasahe na ay P9.00 mula sa dating P8.00.

“Ang kapasiyahan naming ay kaugnay ng petisyon ng mga driver noon pang nakaraang taon,” sabi ni Ilagan. Napabalita ngayong taon ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo bunsod umano ng pagtaas din ng halaga nito sa pandaigdigang pamilihan. Ngayong araw naman ay nagkaroon muli ng pagtataas ng presyo. Ito na ang ikasiyam na pagkakataon ng gayong pagtataas sa loob lamang ng unang tatlong buwan ng 2012.

Sa dami ng mga nagta-tricycle, malakas na rin ang kompetisyon sa pagkakakitaan kaya lumiliit na rin ang kita ng mga driver. Idagdag pa riyan na patuloy na tumataas ang presyo ng gasolina kaya naman inaasahan nilang madaragdagan ang taripa nila para makaagapay pa sila sa kanilang kabuhayan.

Nagsagawa ng mga public hearings bago ang naging pagpupulong ng SB. Ginanap ang mga public hearing sa Chipeco Building ng munisipyo ng Bay noong Pebrero 29 at Marso 8 at 15. Inanyayahan sa nasabing mga pulong ang mga punong-guro, mga pangulo ng mga tricycle operators and drivers association (TODA) ng iba’t ibang baranggay at ang pangulo ng pederasyon ng mga tricycle drivers ng munisipalidad. Liban sa kanila ay naging bukas din naman ang pulong sa iba pang mga mamamayan.

“Naiintindihan nila na kailangang magtaas na ng pasahe. Pero ang hiling naman nila ay iayos sana ang serbisyo,” pahayag ni Ilagan.

Inilahad ng konsehal na inaasahan sa mga tricycle driver na magsukli ng tama, magpatakbo sa tamang bilis, at ugaliin ang nararapat na hygiene. Dapat din silang maging magalang sa kanilang mga pasahero.

Tinukoy naman ng tagapangulo ng komunikasyon at transportasyon na ang marapat na humingi ng dagdag na piso sa pasahe ay ang mga may kaukulang dokumento gaya ng prangkisa, mayor’s permit at lisensya.

“Hindi naman tama na kung sino pa ang kolorum ay siya ang kumikita, at baka mas malaki pa ang kita niya kaysa sa legal na driver,” komento ni Ilagan.

Kaugnay nito ay iaayos ng SB ang kanilang ipalalabas na resolusyon ukol sa pagtataas ng pasahe. Sinabi ni Ilagan na makikipagsanggunian pa rin siya ukol sa ikatitiyak ng maayos na implementasyon ng kanilang pasiya.

Tumanggi naman siya na magbigay ng petsa ng implementasyon ng pagtataas ng pasahe ngunit maaaring magsimula na ito sa susunod na linggo kapag naiayos na ang ordinansa. “Binabalak pa rin namin kasing magpalagay ng mga announcements sa mga paradahan para huwag namang mabigla ang mga tao,” tukoy ni Ilagan.

Pinatunayan naman ni Aniceto Managat, tricycle driver mula sa Brgy. Sto. Domingo, na kailangan na nga nilang makatanggap ng dagdag sa kanilang taripa.

“Noong halos P50.00 pa kada litro, kumikita pa ako ng P100-P150. Pero ngayon na magiging P60.00 na, halos pang-gasolina na lang ulit ang kinikita ko,” daing ni Managat.

Ayon pa kay Managat, bunga ng kahirapan ng buhay ay ipinasiya niyang mamasada rin  ng tricycle liban pa sa paghahanapbuhay niya bilang farm aid sa BFAR station sa Brgy. Sto. Domingo. Namamasada siya tuwing umaga hanggang bago 8:00 ng umaga, kung kalian papasok naman siya sa BFAR.

Kung ihahambing naman sa ibang bayan, mas mababa ang pisong dagdag na pasahe sa bayan ng Bay.

“Sa Calauan, Victoria, at Sta. Cruz, sampung piso ang minimum nila,” paglalahad ni Ilagan.

Ayon pa kay Konsehal Ilagan, dalawang piso talaga ang hinihingi ng mga driver na dagdag sa pasahe ngunit pinakiusapan umano nila ang mga tricycle driver na maghinay-hinay upang maiwasan ang pagkabigla ng mga mamamayan.

Sinasang-ayunan naman ni Meryll Dela Cruz ang pagtataas ng pasahe sa tricycle. Mayroon siyang anak sa elementarya na lagi niyang inihahatid at sinusundo sa paaralan apat na beses isang araw.

“Kawawa naman kasi ang mga driver. Mataas na rin naman ang gasolina,” sabi ni Dela Cruz.

Para naman sa first year student mula sa Nicolas L. Galvez Memorial National High School na si Arvin Bautista, “Mataas na rin iyon kahit dalawang piso.”

Dalawang piso ang dagdag sa pamasahe ni Bautista araw-araw dahil kailangan niyang sumakay ng dalawang beses  ng tricycle para makarating sa paaralan. Magiging P16.00, kung gayon, ang kanyang babayaran mula P14.00.

Samantala, iba naman ang damdamin ni Ruth Batongmalaque, isang second year student mula sa Galvez.

“Okay lang ‘yun. Naghahanapbuhay naman kasi sila,” sabi ni Batongmalaque.

Kaalinsabay ng pagtataas ng pasahe, nanawagan si Konsehal Ilagan na ayusin ng mga driver ang kanilang serbisyo at ang kanilang mga dokumento upang maiwasan nila ang mahuli ng mga awtoridad at maabala pa sila.

Hinikayat din niya ang mga mamamayang pasahero ng mga tricycle na ipagbigay-alam agad sa mga pangulo ng kinauukulang TODA, ng pangulo ng pederasyon ng mga tricycle driver, o sa kaniya mismo ang anumang reklamo o suliranin kaugnay ng pamamasada ng tricycle.

Bay Goat Dispersal Program 2, inilunsad ngayong Pebrero

ni Brando Bernard C. Bucks

Dalawang residente mula sa Barangay Tagumpay sa Bay, Laguna ang tatanggap ng mga inahing kambing mula sa Municipal Agriculture Office (MAO) para alagaan at maging tulong sa kabuhayan. Ang pagpapatuloy ng goat dispersal program ay bahagi ng nagpapatuloy na rehabilitation project para sa mga nasalanta ng Bagyong Ondoy, isang proyekto ng  Department of Agriculture (DA) at ng Food and Agriculture Ogranization of the United Nations (FAO).

Sinusubaybayan ni Victoria Manzanilla ang mga kambing na ipinagkaloob sa kanila ng Department of Agriculture at Food and Agriculture Organization of the United Nations bilang bahagi ng Goat Dispersal Project sa Bay.

Ibibigay kila Faustino Echalar at Eufracio Velasco ngayong Pebrero 13-19, 2012 ang tig-isang inahing kambing. Napili sila Echalar at Velasco na pagkalooban ng hayop dahil dinaluhan nila ang seminar ukol sa pangangalaga ng kambing na ginanap noong Marso 2011 sa pangunguna ni Dr. Michael Cortez, Assistant Provincial Veterinarian. Ang seminar ay naglalayong maihanda ang mga mamamamyang tatanggap ng kambing mula sa proyekto ng DA at FAO. Tinalakay dito ang wastong pamamaraan ng pag-aalaga at pagpaparami ng kambing.

Nang simulan ang proyekto noong Abril 12, 2011, labintatlong mamamayan ng Bay ang pinagkalooban ng mga kambing. Sila ay sina Ernesto Camangon, Jenny Parato, Bernardo Montecillo, Marina Fernandez, Ponciano Manzanilla, Alvin Sulibet, Marilou Sulibet, Joel Villadorez, Nonilon Sulibet, Diomides Guevarra, Felixberto Sabarias, Roberto Amatorio, at Romeo Padrid. Tumanggap ang bawat isa sa kanila ng tig-dadalawang inahing kambing samantalang binigyan pa tig-iisang barakong kambing sila Nonilon Sulibet, Diomedes Guevarra, at Romeo Padrid. Dalawampu’t siyam ang kabuuang bilang ng pinamahaging kambing na pawang ginugulan ng FAO.

Sa ilalim ng Goat Dispersal Program, dadalo ang mga benepisyaryo sa seminar tungkol sa iba’t ibang lahi ng mga kambing, panuntunan sa inahin at barakong kambing, uri ng bahay ng mga kambing, pagpapakain, pagpapalahi at pangangalagang pangkalusugan.

Pagkatapos, tatanggap sila ng dalawang inahing kambing upang kanilang alagaan at paramihin. “Babayaran” nila ang dalawang kambing na iyon sa pamamagitan ng dalawang kambing na babae na magiging anak ng mga pinamahaging hayop sa kanila. Kapag ang isang babaeng anak na kambing ay maaari nang maging inahin, “isasalin” na iyon sa bagong tagapag-alaga na pinili sa programa. Sa gayon, magpapatuloy at lalawak ang proyekto at darami ang makikinabang upang magkaroon ng mapagkakakitaan.

Matapos ang pamamahagi ng FAO ng mga inahing hayop, trabaho naman ng MAO na subaybayan ang pagpapatuloy ng proyekto. Kaugnay nito, linggu-linggong binibisita ni Belen Madrid, isang agricultural technologist, ang bawat benepisyaryo upang makita at alamin ang kalagayan ng mga hayop.

Tinatanong niya ang mga tagapag-alaga ukol sa mga obserbasyon nila sa mga kambing nang nakalipas na mga araw. Inaalam niya kung mayroong hayop na nagkasakit, anong uri ang sakit, kung may namatay at ang dahilan ng pagkamatay, at kung maaari nang ipakasta ang hayop. Pagkatapos, iniuulat niya sa tanggapang panlalawigan buwan-buwan ang buod ng kalagayan ng programa.

“Talagang makakatulong sa tulad naming mahirap [ang programa],” patotoo ni  Ponciano Manzanilla, isa sa labintatlong tumanggap ng mga inahing kambing. Noong 2009, nalugi siya ng P40, 000 sa kanyang pagbubukid nang lumubog ang kanilang taniman bunga ng tubig na dulot ng Ondoy.

Matatandaan na ang bayan ng Bay na nasa baybayin ng Laguna de Bay, ay isa sa mga lubhang napinsala ng bagyo noong 2009. Partikular na naapektuhan ay ang mga mamamayan nito sa mga barangay ng San Antonio, Tagumpay, San Isidro, Dila at Sto. Domingo. Lumubog ang mga taniman ng palay at gulay at namatay sa baha o kaya ay natangay ng tubig ang mga inaalagan nilang mga hayop.

Samantala, pinagpapatuloy na ulit ngayon ni Manzanilla ang pagtatanim ngunit kasabay nito’y inaalagaan niya ang mga hayop na binigay sa kaniya. Sa kasalukuyan, nakapagpaanak na siya ng tatlong kambing, isa roon ay malapit nang kunin upang isalin kaninuman kila Echalar at Velasco.

Hiling naman ni Manzanilla na kung maaari rin sana ay mabakunahan ng pampalusog ang kaniyang mga alagang kambing. Ayon kay Madrid, pananagutan na ng mga mga tagapag-alaga ang ukol sa mga gayong bakuna, gamot at pagpapagamot sa mga hayop. Inihayag pa niya na libreng ipinagkakaloob ang konsultasyon mula sa municipal veterinarian. Wala ring bayad ang pagpupurga na isinasagawa naman tuwing tatlong buwan.

Lubos ding nawala ang kabuhayan ni Marilou Sulibet na pag-iitikan. Ang nasabing kabuhayan ang nagtaguyod sa pag-aaral ng kaniyang mga anak, subalit nalulungkot siya na hindi na niya iyon naipagpapatuloy dahil sa kakulangan ng kapital.

Ngunit nagpapasalamat naman siya ngayon na sa pamamagitan ng pag-aalaga ng kambing ay may pagkakataon siya upang muling magsimula ng kabuhayan. Ipinahayag pa niya na pagyayamanin niya ang mga hayop na binigay sa kanya.

Naniniwala din siya na magtatagumpay ang pag-aalaga niya ng kambing sapagkat higit umanong mas matipid at hindi matrabaho ang pag-aalaga. Hindi na siya namimili ng ipakakain sa mga hayop sa halip ay nagsisipag na lamang siya na manguha ng mga  kangkong, kumpay (ito ang tawag ng mga mamamayan sa Tagumpay sa isang uri ng damo na madalas na tumutubo sa matubig na lugar) at mga madahong sanga ng mga kahoy gaya ng ipil-ipil at kamachile. May malawak din siyang bakuran na napagpapastulan ng kambing kung saan pinapawalan niya roon tuwing umaga ang mga hayop at kukunin na lamang sa hapon. Kung umuulan naman, inilalagay niya sa kulungan ang mga kambing.

Sa kasalukuyan, dalawampu’t dalawang kambing ang nalalabi mula sa mga pinamahagi ng FAO. Namatay ang pitong iba pa bunga ng pagkakasakit, peste, at panganganak.

MFARMC Nanumpa at Nagkamit ng mga Bagong Sasakyang Pandagat

Isang pangakong sinambit sa ngalan ng dakilang tungkulin.

Apatnapung tao ang nanumpa sa kanilang tungkulin noong ika-18 ng Enero 2012 sa Municipal Covered Court ng Los Baños (LB), Laguna. Ang naturang panunumpa ay parte ng programang nagbibigay-pakilala sa Municipal Fisheries and Aquatic Resource Management and Reform Council (MFARMC) – isang non-government organization (NGO) dito sa Los Baños.  Continue reading