ulat ni Elijah Jesse Pine
MUSIKA SA DAPITHAPON. Hawak ang bote ng barya sa isang kamay at silindro sa kabila, madalas pumuwesto si Artemio “Tem” Ortega sa tapat ng Jollibee Junction upang tumugtog. Tila sinasalungat ng musika niya ang bulyaw ng mga tao at busina sa kalsada tuwing dapithapon. (kuha ni Ruth Veluz)
Pumanaw na noong Martes, Abril 12 ang bulag na street musician na si Artemio Ortega, mas kilala bilang Kuya Tem o Mang Alexander. Siya ay 47 taong gulang.
Maaalala si Kuya Tem sa madalas niyang pagtugtog sa Jollibee Junction ng mga awiting gaya ng Top of the World gamit ang kanyang silindro. Sa gitna ng halu-halong init, usok, at ingay sa kalsada, nagbigay ginhawa ang musika ni Kuya Tem sa bawat pasahero at drayber na nakarinig sa masigasig niyang pagtugtog.
Ayon kay Mehida Mildred Estrella, pamangkin ni Kuya Tem, pumanaw siya noong Abril 12 bunsod ng acute respiratory failure.
Ipinanganak na bulag si Kuya Tem. Noong siya ay labing-anim na taong gulang, nakapag-aral siya ng self-mobility matapos maipadala ng DSWD sa National Vocational Rehabilitation Center (NVRC) sa Maynila. Sa naturang center nagsimula ang pagkahilig ni Kuya Tem sa pagtugtog, matapos kumuha ng isang klase sa musika. Bukod sa silindro, tumutugtog rin siya ng organ.
Naging daan ang pagkahilig ni Kuya Tem sa musika upang makabisita at makatugtog siya hindi lamang sa Los Baños, ngunit maging sa San Pablo, Mindoro, at Marinduque.
Noong 2017, na-feature ang kwentong musika ni Kuya Tem sa isang special episode ng Dito Sa Laguna. Kasabay ng Linggo ng Musikang Pilipino ang pagpapalabas sa nasabing episode.
Maaari itong mapanood sa http://bit.ly/2Qw1So8.
Sa taon ring iyon, isinagawa ng UP Silakbo, isang music organization sa UPLB, ang Areglo, isang benefit gig para kay Kuya Tem. Naging bahagi ng naturang gig ang mga bandang kagaya ng Jensen and the Flips at Ang Bandang Shirley. Nagkaroon din ng pagkakataong tumugtog sa entablado si Kuya Tem sa selebrasyong ito.
HARANA. Gamit ang organ at silindro, hinarana ni Kuya Tem ang mga dumalo sa Areglo, ang benefit gig na inorganisa ng UP Silakbo para sa kanya noong 2017. (mula sa UP Silakbo Facebook Page)
“Bilang anak, si Tem ay mapagmahal, responsable, may sariling disposisyon sa buhay, at higit sa lahat maka-Diyos,” ani Gng. Mehida Ortega, ina ni Kuya Tem.
Mula naman kay Ruth Veluz, isa sa mga organizers ng Areglo at miyembro ng UP Silakbo, “Maraming salamat, Mang Alexander sa araw-araw at gabi-gabi na pamamahagi mo ng iyong talento sa mga taga-Los Banos. Masuwerte kami at pinaunlakan mo ang imbitasyon namin na mapakinggan ng mas maraming tao ang musika mo.”
Sa mga nais magpaabot ng tulong sa pamilya ni Kuya Tem, maaaring magpadala sa GCash account na nasa ibaba:
MEHIDA MILDRED ESTRELLA – 09502514454