Ito ang mga inaabangan ng libu-libong mamamayan ng Los Baños at mga lokal at dayuhang turista sa pagdiriwang ng Ika-396 Taong Pagkakatatag ng Bayan at Ika-Sampung taon ng Bañamos Festival mula Setyembre 14 hanggang 18.
Ang tema sa taong ito ay “Papuri’t Pasasalamat Nuestra Señora de Aguas Santas: Viva Bañamos sa Bagong Los Baños.”
Parada, Paligsahan at Pagdiriwang
Bubuksan ang isang linggong pagdiriwang sa pamamagitan ng live TV coverage ng programang Unang Hirit ng GMA 7 sa ika-14 ng Setyembre, Miyerkules, sa Paciano Rizal Park. Isang programa rin ang idaraos sa ika-16 ng Setyembre, Biyernes, sa nasabing plaza. May parada din ng mga karosa na magmumula sa Trace College hanggang sa Paciano Rizal Park na lalahukan ng iba’t ibang drum and lyre bands.
Sa Sabado naman, ika-17 ng Setyembre, isang misang pasasalamat ang gaganapin sa Immaculate Conception Church bilang alay sa Nuestra Señora de Aguas Santas na susundan ng isang elejer papunta sa Paciano Rizal Park.
Buong linggong masasaksihan ang Spa and Wellness Fair at ang Bañamos Town Sale sa Paciano Rizal Park. Ang WTF!! What The Fun!! Water Ball Adventure ay gaganapin naman sa Tadlac Lake at sa nasabing plaza. Ang mga tiket sa Tadlac Lake ay nagkakahalaga ng Php60.00 habang ang sa Paciano Rizal Park ay Php75.00. Ang Lakbay Lawa ay gaganapin naman sa daungan ng Baybayin.
Ang mga sumusunod ang iba’t ibang tagisan ng talento na magaganap:
- Bailamos (Setyembre 14, Miyerkules) – National Dance Competiton
- Himigsikan: Battle of the Bands (Setyembre 15, Huwebes) – Pop/R&B Band Competition
- Musikohan (Setyembre 16, Biyernes) – Drum and Lyre Band Competition
- Palarong Pinoy (Setyembre 17, Sabado) Traditional Street Games
- Search for Miss Los Baños (Setyembre 17, Sabado)
- Padyak LB (Setyembre 18, Linggo) – LB Bikathon-for-a-Cause
- Bayle sa Kalye (Setyembre 18, Linggo) – Inter-Barangay Street Dancing Competition
Bilang pagwawakas, isang programa at fireworks display ang gaganapin sa ika-18 ng Setyembre sa may baybayin ng Paciano Rizal Park.
Viva Bañamos sa Bagong Los Baños
Ayon kay Mayor Anthony ‘Ton’ Genuino, “Ang pagdiriwang ng Bañamos ay pasasalamat sa Poong Maykapal sa mga biyaya ng ating bayan. Pagdiriwang din ito sa pagkakaisa ng mamamayan.” Aniya, pagkakataon ang okasyong ito upang mas lalo pang pasiglahin ang kooperasyon ng iba’t-ibang sektor sa pamayanan tungo sa “ibayong pag-unlad ng Bagong Los Baños.”
Dagdag pa ng punongbayan na layon din ng Bañamos Festival na ipamalas sa buong bansa ang Special Science and Nature City of Los Baños na may angking kagandahan at kaaya-ayang kapaligiran at tourist spots, at kakaibang galing sa larangan ng syensya, akademiya, at sa sining at kultura.
“Layunin nating maging bukambibig ng mga turista sa loob at labas ng bansa ang Bañamos nang sa gayon ay mas lalong sumigla ang turismo sa ating bayan,” pahayag ng alkalde.
Ayon naman sa Festival Committee, ang disenyong logo (nasa larawan) ng 10th Bañamos Festival ay simbolo ng “kolektibong hangarin ng mamamayan ng Los Baños upang makamit ang mas maunlad at mas mapayapang komunidad sa ilalim ng pamahalaang lokal na tumatalima sa mabuting pamamahala ng nagkakaisang taumbayan na ginagabayan naman ng mapagkalingang kamay ng Nuestra Señora de Aguas Santas.”
A press release from the Los Baños Public Information Unit. For inquiries, contact Oji Sanchez through [email protected].