Ulat nina Azhira Abaño at Moira Kyreezia Abriam
“Siyempre para sa anak ko, ‘yun ang siyempre main priority. Siyempre [sa paglaki ng] bata, sa pag-aaral niya, [at] para yung sa future niya.”
Para kay Maricel Obrador, isang ina at magsasakang sanay na sa hirap ng bukid, ang pag-alis patungong South Korea ay nagsimula sa isang simple ngunit mabigat na gampanin: ang masigurong magiging maayos ang kinabukasan ng kaniyang anak. Bilang isang Pilipinong magsasaka, batid niya ang hirap na kumita ng pera at kung paanong hindi ito laging sapat para sa pang araw-araw na pangangailangan ng kaniyang pamilya.
Hindi rin nalalayo dito ang dahilan ni Chico Buenavidez, isang padre de pamilya at kapwa magsasakang matagal nang hinaharap ang realidad ng limitadong kita sa lokal na agrikultura. Tulad ni Maricel, mas pinili niyang makipagsapalaran sa ibang bansa para sa itinuturing na mas magandang oportunidad.
“Upang subukan ang oportunidad ng mas malaking kita,” saad ni Chico.
Mula sa mga kwentong ito ay makikita ang mas malinaw na sitwasyon ng mga manggagawa sa kanayunan. Ang pangingibang-bansa ay hindi lamang isang personal na desisyon kundi isang tugon sa kakulangan ng oportunidad sa lokal na agrikultura. Para kina Maricel at Chico, ang pangingibang-bansa ay nagiging daan upang magkaroon sila ng mas malaking kita, kahit pa kapalit nito ang paglayo sa sariling bansa at pamilya.
Migrasyon at Kasalukuyang Sitwasyon ng Sektor ng Agrikultura sa Pilipinas

Kabuuang bilang ng Overseas Filipino Workers (OFWs) at
Overseas Contract Workers noong 2023 at 2024
(Larawan mula sa Philippine Statistics Authority)
Ayon sa huling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot na sa humigit-kumulang 2.19 milyong Pilipino ang pinipiling makipagsapalaran sa ibang bansa bilang mga Overseas Filipino Workers (OFW). Bunsod nito, patuloy ang pagpasok ng mga remittances na umaabot sa daan-daang bilyong piso bawat taon na malaking tulong para sa ating pambansang ekonomiya.

Bahagdan ng Distribusyon ng Overseas Filipino Workers (OFWs) ayon sa rehiyon noong 2024
(Larawan mula sa Philippine Statistics Authority
Dagdag pa rito, makikita din sa datos na nangunguna ang CALABARZON Region–kung saan kabilang ang probinsya ng Laguna–bilang may pinakamalaking bahagi ng mga OFW, na umaabot sa 20.5 porsyento.
Sa unang tingin, ito ay maituturing na larawan ng pag-unlad. Ngunit sa sitwasyon ng Pilipinas, ang lisanin ang bansa para makipagsapalaran ay may tahimik ngunit mas malalim na epekto sa pangkalahatang kalagayan ng mga manggagawa, partikular sa sektor ng agrikultura.
Batay sa mga datos, bumaba ng humigit-kumulang 20 porsyento ang bahagi ng agrikultura sa kabuuang workforce ng bansa sa mga nakaraang taon. Kaugnay nito, mas dumarami ang mga magsasakang pinipiling lumipat sa ibang sektor o mangibang-bansa upang magkaroon ng mas maayos na kita. Ayon sa Philippine Institute for Development Studies, mas pinipili ng mga magsasakang ito ang mga off-farm jobs sa mga lungsod at maging sa ibang bansa dulot ng mababang kita at kawalan ng katiyakan sa sektor ng agrikultura.
Ang pagbabagong ito ay may malalim na implikasyon para sa isang bansang umaasa sa mga magsasaka para sa produksyon ng pagkain. Habang nababawasan ang mga magsasaka sa mga kabukiran, nalalagay din sa alinlangan ang pangmatagalang kinabukasan ng sektor ng agrikultura sa Pilipinas.
Ngunit para sa mga magsasakang tulad nina Maricel at Chico, ang pananatili ay hindi laging sapat upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan. “Siguro dahil mas malaki ang kita,” ani Chico. Sa simpleng pahayag na ito, makikita ang malinaw na agwat sa pagitan ng lokal na agrikultura at mas malaking oportunidad na matatagpuan sa ibang bansa.
Ang Seasonal Worker Program ng Bayan ng Bay
Sa gitna ng ganitong kalagayan, inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Bay, Laguna ang Seasonal Worker Program o SWP. Layunin nitong bigyan ng oportunidad ang mga mamamayan, partikular na ang mga magsasaka, na makapagtrabaho sa South Korea.
“Walang dahilan naman kami para hindi ito i-grab, lalo na’t ang makikinabang ay ang mga taga-Bae,” ayon kay Hon. Michael Punzalan, kasalukuyang alkalde ng Bay.

Larawan ng mga Seasonal Farmers sa pagbubukas ng Seasonal Workers Program sa Bay, Laguna (Larawan mula kay Maricel Obrador)
Sa loob ng halos limang taong pagpapatupad ng nasabing programa, mahigit 400 na ang magsasakang naipadala sa South Korea, kabilang ang halos 93 na kaaalis lamang noong ika-13 ng Abril. Patunay ito na dumarami ang mga magsasakang mas pinipiling subukan ang oportunidad sa ibang bansa.
Upang matiyak ang maayos na proseso at kalagayan ng mga magsasaka, sinisigurado ng lokal na pamahalaan na direktang pinangangasiwaan ng local government unit (LGU) ang programa.
“‘Yong screening, training, at ‘yong coordination namin sa South Korea. At saka tayo, ‘yong LGU, [inuuna natin] ‘yong security din siyempre ng ating mga kababayan,” paliwanag ni Hon. Punzalan.
Dagdag pa nito, may mga pagsasanay at orientation ding ibinibigay sa mga magsasaka upang maihanda sila sa kultura, sistema ng trabaho, at kondisyong dadatnan sa South Korea. Patuloy din ang komunikasyon nila sa mga magsasakang kasalukuyang nasa ibang bansa upang masigurong maayos ang kanilang kalagayan.
Buhay bilang isang Seasonal Farmer
Sa malawak na lupain ng South Korea, nagkaroon ng bagong anyo ang pagsasaka sa mga mata nina Chico at Maricel. Sa loob ng kalahating taong pananatili sa ibang bayan, tumatak ang kanilang karanasan sa pagsasaka.

Larawan nina Maricel at Chico bilang mga Seasonal Farmers sa South Korea
(Larawan mula kina Maricel Obrador at Chico Buenavidez)
“Oo, doon ako nahirapan, kasi parang doon ako gumapang na hindi na ako [halos] makatayo [noong] binubuhat namin yung bakal,” kwento ni Maricel habang inaalala ang kanyang karanasan sa land preparation sa South Korea.
Mula sa paghahanda ng lupa, pagsasaayos ng mga materyales, hanggang sa pag-aalaga ng kanilang mga pananim, tuloy-tuloy ang kanilang trabaho anuman ang kondisyon ng panahon. Para kay Maricel na nagtatrabaho sa malawak na taniman ng pipino, sunblock lamang ang kanyang panangga laban sa matinding init habang inaayos ang bakal, nagpu-pruning, at inaayos ang mga dahon ng kaniyang mga pananim na pipino.
Sa kabila ng iniindang pagod, mahalaga sa kanila ang bawat araw ng trabaho dahil umiiral sa kanila ang “no work, no pay” na sistema. Idagdag pa na may kaakibat na gastos ang kanilang pananatili. Ayon kay Maricel, tinatayang Php16,000 kada buwan ang kinakaltas sa kanilang sahod para sa pagkain at tirahan. Kaya naman hangga’t maaari, hindi sila maaaring matagal “ma-tengga” dahil kailangang may maipadala sila sa kanilang mga pamilya.

Larawan ni Chico at Maricel kasama ang kanilang “employer” sa South Korea (Larawan mula kina Chico Buenavidez at Maricel Obrador)
Gayunpaman, maituturing na maswerte sina Maricel at Chico sa kanilang napuntahang mga amo. “Mabait ang aking mga amo [at] tinuturuan nila ako ng tamang proseso ayon sa kanilang kultura at trabaho sa [pagsasaka],” paliwanag ni Chico.
Dagdag pa ni Maricel, “Oo generous sila sa pagkain…Kunwari itranslate ko, gusto ko nang ganito, [makikibili po], bibilihin naman nila.”
Mga Hamon at Tagumpay
Bagamat maayos ang kanilang kalagayan sa trabaho, hindi nawawala ang mga hamon na kinakaharap nina Maricel at Chico bilang mga seasonal farmers.
“Oo, na-ospital ako, almost 1 week din akong hindi nakapasok”, kwento ni Maricel. Dahil sa hindi inaasahang pagkakataon habang sila ay nag-aani, aksidenteng nagulungan ng harvesting equipment ang kanyang paa. “Nadali [ang mga] paa ko, [um]iyak ako noon.” pagbabahagi ni Maricel.
Agaran naman siyang nadala sa ospital matapos siyang magpadala ng mensahe sa kanilang group chat kung saan kabilang ang kinatawan ng kanilang LGU sa South Korea. Umabot ng Php 4,000 ang kanyang nagastos.
Para naman kay Chico, matinding pagod mula sa trabaho ang pinakamabigat niyang naging hamon. “Mahirap dahil talagang mabigat ang trabaho rito ng magsasaka. ‘Yong sakit ng katawan dahil sa bigat ng trabaho”, ani Chico.
Dagdag pa niya, malaki rin ang epekto ng homesickness na nararamdaman niya sa ilang buwan niyang pagkawalay sa pamilya.

Larawan ni Chico Buenavidez kasama ang kanyang pamilya matapos makabalik sa Pilipinas (Larawan mula kay Rea Buenavidez)
Ngunit sa kabila ng mga nararanasang hirap, naniniwala si Chico na mas naging maganda ang kanilang buhay bunga ng pakikipagsapalaran niya sa ibang bansa. Bilang isang padre de pamilya, nagawa niyang mapatapos ang kanyang panganay na anak sa junior high school, makapagpagawa ng bahay, at makapagpundar ng motor at tricycle na ginagamit bilang service ng kaniyang pamilya.

Larawan ni Maricel Obrador kasama ang kanyang pamilya matapos makabalik sa Pilipinas (Larawan mula kay Maricel Obrador)
Ganito rin ang naging karanasan ni Maricel, na nakapagpundar na ng tricycle, gold, at nagamit na ang kaniyang mga nakuhang kaalaman mula sa ibang bansa sa kaniyang sariling lupang sinasaka.
Mga Posibilidad sa Sektor ng Agrikultura
Ang karanasan nina Chico at Maricel ay repleksyon ng kakulangan sa suporta sa sektor ng agrikultura sa bansa. Para sa maraming manggagawa, mas nagiging praktikal ang makipagsapalaran sa ibang bansa para sa mas malaki at mas siguradong kita.
Higit sa lahat, patunay ang kanilang mga pinagdaanan sa kung ano ang kayang isugal ng magulang mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak. “Hangga’t kaya ko, itutuloy ko ang pagiging SFW para sa aking pamilya”, saad ni Chico, dahilan upang muli siyang bumalik sa South Korea nitong Abril 2026.
Samantala, mas minabuti na ni Maricel ang manatili sa bansa dahil, para sa kanya, sapat na muna ang kaniyang naipundar, at sa sariling bayan niya naman nais gamitin ang mga kaalaman na kanyang nakuha mula sa pagtatrabaho sa South Korea.
Dalawang mukha ng manggagawang nagbibigay inspirasyon at lakas sa kanilang pamilya at nagtataguyod ng ekonomiya ng bansa, kahit pa ito ay nangangahulugan ng kanilang pag-alis sa sariling bayan. Sila ang mga makabagong bayani kung ituring, patuloy na nagsusumikap at nagsasakripisyo para makamit ang mas maayos na buhay.
Ngayong Araw ng mga Manggagawa, hiling pa rin ng maraming manggagawang tulad nina Maricel at Chico na sana’y dumating ang panahong hindi na nila kailangan pang umalis ng bansa upang umasenso. Sa halip, dito na mismo sa Pilipinas nila maipagpatuloy ang kanilang kabuhayan kung saan ang kanilang kaalaman, kakayahan, at pagsusumikap ay sapat na upang umunlad, kasama ang kanilang pamilya at sariling bayan.


